Inanunsyo ni Social Security System (SSS) President CEO Michael G. Regino na simula Hulyo 1, 2022 ay sakop na ng mandatory online filing ng retirement benefit ang mga self-employed members na may edad na 60 hanggang 64 taong gulang.
Nauna nang ipinatupad noong Hulyo 2020 ang mandatory online filing ng retirement benefit ng lahat ng employed members, voluntary members, land-based Overseas Filipino Workers (OFW) members at self-employed members na may edad 65 taong gulang pataas.
“Simula pa noong 2015 ay naging available na ang ating online facility para sa mga miyembrong nasa technical retirement age na 65. Sa simula pa lang ng pandemiya, may mga enhancements na kaming ginagawa para mas simple at maginhawa ang kanilang pagpafile na hindi na nila kinakailangang pang sumadya sa mga sangay ng SSS. Ang kailangan lang nilang gawin ay i-access ang kanilang My.SSS account, i-click ang Apply for Retirement Benefit sa ilalim ng Benefits section ng E-Services tab, punan ang mga kailangang impormasyon, at isumite ang mga required supporting documents,” pahayag ni Regino.
Ang mga miyembrong may mga sumusunod na “special cases” sa benepisyo sa pagreretiro ay dapat pa ring pumunta at mag-file sa alinmang sangay ng SSS o foreign representative office:
- May natitirang balanse sa Stock Investment Loan Program (SILP)/ Privatization Loan Program/ Educational Loan/ Vocational Technology Loan;
- May anak/mga anak na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga; Kung saan ang miyembro ay walang kakayahan, nasa ilalim ng pangangalaga, o nakakulong sa isang naaangkop na institusyon tulad ng penitentiary, correctional institution, o rehabilitation center;
- May aplikasyon ng Portability Law o Bilateral Social Security Agreements;
- May adjustment o may re-adjudication ng claim; at
- May hindi nakuhang benepisyo ng isang namatay na miyembro Ang retirement benefit ay isang cash benefit na ibinibigay sa isang miyembro na hindi na makakapagtrabaho dahil sa katandaan at umabot na sa itinakdang edad ng pagreretiro.
Ang kanyang benepisyo ay maaaring buwanang pensiyon para sa mga nagbayad ng hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagreretiro o isang bigayan (lump sum) para sa mga nagbayad ng mas mababa sa 120 na kontribusyon. Maaaring ma-access ang mga kwalipikasyon para makapag-apply sa benepisyo para sa pagreretiro sa https://crms.sss.gov.ph habang ang mga alituntunin at patakaran sa online filing ng nasabing benepisyo sa pamamagitan ng My.SSS Portal ay makikita sa https:// bit.ly/SSSCI2021-021.